DELAS ALAS, SEVERINO MOJICA

Si Don Severino Mojica delas Alas ay isinilang sa bayan ng Indang noong Enero 8, 1851 ng mag-asawang Eugenio delas Alas at Evarista Mojica na kabilang sa mga ilustrado ng bayan. Ang kanyang mga magulang ay parehong nakapag-aral. Siya naman ay nag-aral ng elementarya sa bayan ng Indang. Ipinagpatuloy niya ang kanyang sekundarya sa San Juan de Letran sa Maynila bilang paghahanda sa kursong teolohiya ngunit kalaunan ay napagtanto niyang hindi siya para sa pagpapari dahil may isang magandang dilag na itinatangi ang kanyang puso na nasa kanyang tinubuang bayan.

Napagpasyahan niyang kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Sto. Tomas kung saan natapos niya ito at isa ang kanyang pangalan sa mga ipinagmamalaki ng unibersidad bagamat hindi niya ginamit ang propesyong ito at sa halip ay ibinuhos ang kanyang panahon sa pagiging guro. Sa loob ng sampung taon, siya ay nagturo sa mga pribadong paaralang sekundarya sa Maynila na ang ilan ay siya pa ang nagtatag. Nang mainip sa Maynila dahil sa mga obligasyong sosyal at paniningalang pugad na karaniwang umuubos ng kanyang salapi, napagpasyahan niyang magbalik sa bayan ng Indang upang dito ibahagi ang edukasyon para sa kanang mga kababayan. Ipinatayo niya ang isang sangay ng San Juan de Letran College sa Indang.

Dahil sa kanyang dedikasyon sa pagtuturo at pagpapatayo ng paaralan, 38 taong gulang na siya nang pakasalan niya si Agrifina Jeciel kung saan nagkaroon sila ng apat na anak ngunit dalawa sa mga ito ay namatay sa batang gulang pa lamang. Ang panganay niyang anak ay si Teofilo na naging prominenteng abogado sa Cavite habang ang bunsong anak na si Guadalupe naman ay sinundan ang yapak ng pagiging guro ng ama. Ang kanyang mga naging apo kay Teofilo ay sina Teofilo Jr., Natalia, Celia, Avelina, Peregrino, Norma, at Bienvenido.

Nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, napilitan siyang ipasara ang kolehiyo, isantabi ang mga aklat, at sumali sa Katipunan kung saan siya ay naging masigasig sa pagpapalaganap nito at sa pagtataguyog ng kapakanan ng mga Pilipino gamit ang taguring “Di Kilala”. Naging saksi siya sa hidwaang Aguinaldo at Bonifacio. Noong 1896, nang dumating si Bonifacio sa Cavite mula sa Maynila ay may dalawang paksyon na ang Katipunan sa lalawigan – ang Magdalo sa panig ni Aguinaldo at ang Magdiwang sa panig ni Bonifacio. Saklaw ng lupaing Magdalo ang mga bayan ng Kawit, Bacoor, Imus, Dasmarinas, Silang, at Carmona habang saklaw naman ng Magdiwang ang pinakamalaking bahagi ng lalawigan – ang Cavite (bilang kabisera), San Roque, Caridad, Noveleta, San Francisco de Malabon (Gen. Trias), Rosario, Tanza, Naik, Ternate, Maragondon, Magallanes, Bailen, Indang, Alfonso, at Amadeo.

Bagamat kabilang si Don Severino sa Magdiwang, ang kanyang paglilingkod ay para sa bayan at para sa mga Pilipino. Hinirang siyang Kalihim Panloob ng Magdiwang ni Bonifacio. Bilang Kalihim Panloob, ginamit niya ito upang ipanukala ang isang pagpupulong na babalangkas ng isang bagong pamahalaang rebolusyonaryo na may pagkakaisa at pagkakasundo. Nagbunga ang kanyang panukala nang idaos sa Imus ang Asembleya ng Imus nong Enero 1897 na dinaluhan ng mga opisyal ng Magdalo at Magdiwang na pinangunahan ni Bonifacio bilang Supremo ng Katipunan bagamat wala naming naresolba sa pagitan ng dalawang pangkat at nagpatuloy ang iringan at hidwaan. Muling nagpulong ang dalawang pangkat sa Tejeros, San Francisco de Malabon noong Marso 22, 1897 kung saan nabuo ang mga polisiyang pampamahalaan na nagbunsod upang magkaisa ang dalawang paksiyon.

Ang panukala ni Don Severino delas Alas ay isang “Katipunan” na tatayo para sa kalayaan at pagkakapantay-pantay ngunit dahil ito’y isang lihim na kilusan, sakaling mabunyag ay magiging mabuway at hindi na magiging isang matatag na pamahalaan kung kaya kailangang magkaroong ng pagkakaisa at pagmamalasakit sa samahan at mga kapatiran sa pakikibaka.

Bilang Supremo ng Katipunan, muling pinangunahan ni Bonifacio ang pulong sa Tejeros. Naging masalimuot ang kinahinatnan ng pulong na ito. Sa pagpupulong ay nagkaisa ang mga manghihimagsik na bumuo ng isang bagong pamahalaan kung saan nahirang in absentia si Aguinaldo bilang Pangulo at si Bonifacio naman bilang Kalihim na Panloob na tinutulan ni Daniel Tirona, isang ilustradong Caviteno dahil sa kawalan ng sapat na pinag-aralan ni Bonifacio. Muntik nang magkabarilan sina Bonifacio at Tirona kung hindi lamang naawat ng mga naroon sa pulong. Dahil sa sama ng loob, hindi kinilala ni Bonifacio ang resulta ng halalan at umalis nang may pagbabanta.

Mula sa Pasong Santol sa bayan ng Imus, napilitang lisanin ni Aguinaldo ang labanan at ipinaubaya sa kanyang kapatid na si Crispulo ang pagpigil sa mga sundalong Espanyol upang manumpa bilang pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan noong Marso 23, 1897. Nahirang na Kalihim ng Katarungan si Don Severino delas Alas – ang kaunaunahang kalihim para sa Katarungan ng ating bansa.

Dahil sa paglakas muli ng puwersa ng mga Espanyol sa Cavite, ninais ni Bonifacio na sunugin ang munisipyo at simbahan ng Indang, bagay na mahigpit na tinutulan ni Don Severino delas Alas na nauwi sa matinding iringan ng dalawa. Mahigpit siyang nanindigan bilang pinuno ng Indang na ipagsasanggalang ito laban sa mga kaaway. Sa galit ni Bonifacio, nagbanta siyang dadakpin si  Don Severino at ikukulong sa karsel dahil sa pagsuway nito sa Supremo. Nang mabatid ng mga mamamayan ng Indang ang tungkol dito, binantayan nila ang labas ng simbahan at munisipyo hanggang sa makaalis ang pangkat ni Bonifacio sa bayan ng Indang.

Noong Abril 26, 1897, nagbaba ng utos si Aguinaldo upang dakpin si Bonifacio at ang kanyang pangkat sa salang paglaban sa bagong pamahalaan at pagtatangkang pagpatay kay Aguinaldo. Matapos ang isang maikling labanan sa baryo ng Limbon, sakop ng Indang, nadakip si Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio habang napatay naman si Ciriaco. Nagkaroon ng paglilitis ang hukumang militar sa Maragondon kung saan nahatulan ng kamatayan si Bonifacio at ang kanyang kapatid. Noong Mayo 10, 1897, pinatay ng mga sundalo ni Aguinaldo ang magkapatid sa may Bundok Nagpatong sa bayan ng Maragondon.

Malaki ang papel na ginampanan ni Don Severino delas Alas sa paghubog ng ating kasaysayan bilang isang pulitiko. Nang masukol at madakip ng mga Amerikano si Aguinaldo sa Palanan, Isabela, palihim na nagbalik si Don Severino sa bayan ng Indang at nagkubli sa baryo ng Daine. Naging aktibo siya sa kanyang buhay pulitika bilang Presidente Munisipal ng Indang sa dalawang termino mula 1906 hanggang 1910. Tumakbo rin siyang gobernador ng Cavite ngunit natalo siya ng ilang puntos ni Tomas Mascardo na buong pagkamaginoo nyang tinanggap at nagretiro sa pulitika upang ibuhos ang panahon sa pagkalinga at pagtulong sa mga kababayan.

Ginamit ni Don Severino ang kayamanang namana mula sa mga magulang upang harapin ang pamilya habang patuloy na kinakalinga ang mga mamamayan ng Indang sa pamamagitan ng edukasyon. Ibinigay niya ang kanyang oras, lakas, talino, at mas malaking bahagi ng kanyang lupain para sa pagpapatayo ng paaralan para sa mga kabataan at nagpatayo ng mga gusali para sa mga mag-aaral. Naitatag noong 1906 ang isa sa dalawang paaralan sa Cavite – ang Indang Intermediate School. Noong 1911, muli siyang nagkaloob ng lupain upang pagtayuan ng Indang Farm School na mabilis na lumago at lumawak dahil sa pakikiisa at kooperasyon ng mga taga-Indang na nagpatuloy kahit nang siya ay sumakabilang-buhay na noong 1918. Noong 1928, ang paaralan ay naging Indang Rural High School na nagbukas ng kurso sa agrikultura at edukasyong pantahanan. Dahil sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral, maraming kurso pa ang napadagdag sa paglipas ng panahon. Bilang pagkilala sa kanyang adhikain at kabutihang-loob, ipinangalan sa kanya ang paaralang ito at nakilala bilang Don Severino National Agricultural School. Noong 1964, sa bisa ng RA 3917, ito ay nagig Don Severino Agricultural College (DSAC) at hindi na lamang mga taga-Indang ang naaabot ng paglilingkod at adhikain ng dakilang bayani pati na rin ang mga karatig-bayan at lalawigan sa rehiyon at maging sa buong bansa. Sa kasalukuyan, ang kolehiyo ay kilala na sa tawag na Cavite State University (CVSU).

Noong Nobyembre 14, 1918, namatay si Don Severino Mojica delas Alas sa gulang na 67 baon ang pagmamahal ng mga mamamayan ng Indang.

Sanggunian:

Mojica, Irene G. Ang lokal na bayani ng Indang: Don Severino M. delas Alas, Schools Division of Cavite, Trece Martires City (unpublished).

 

Leave a comment